News and Events

Forum on “NO TO MINING IN PALAWAN” & “RESIST MINING IN PORAC”

Sa ating mga minamahal na tagapagsalita sa hapong ito: kay Ms. GINA LOPEZ ng Save Palawan Movement, kay Mr. Renato Serrano at Mr. Mon Karlo Mangaran ng IPAMINGWA! Network, sa ating mga mag-aaral mula sa College of Engineering & Architecture, College of Hospitality Management at High School Department, sa ating mga panauhin, mag-aaral, kaibigan at mga kinatawan ng iba’t ibang organisasyon, pamantasan, matataas na paaralan, ang aming mainit na pagbati sa inyong lahat mula dito sa Holy Angel University.


MAPANGHAMON PARA sa bawat isa sa atin ang magiging talakayan sa hapong ito. Mapanghamon dahil sa pangalawang pagkakataon, ang kabilang mukha ng industriya ng pagmimina o mining ang pokus ng porum na ito.


Ang pagmimina ay maihahalintuld sa espada na may magkabilang talim: it cuts both ways ika nga. Na bagamat ang pagmimina ay isang pangunahing sangkap na tumulong sa pagsulong sa kaunlaran ng maraming lipunan, ito rin ang naging dahilan ng di-mabilang na suliranin di lamang ng lipunan kundi maging ng ating kalikasan. Hamon ng porum na ito na timbangin ang magkabilang panig ng epekto na dulot ng pagmimina.


Ang Save Palawan Movement at Resist Mining in Porac Network ay ilan lamang sa mga kasalukuyang adbokasiya at pagkilos na nagsusulong ng porum na gaya nito upang magbahagi di lamang ng mga karanasan dulot ng kabilang mukha ng pagmimina kundi maghatid ng maraming hamon sa bawat isa na naririto.


Hamon ng porum na ito na magkaroon tayo ng kamalayang tinatawag na “sociological imagination”, isang ideya ng batikang Amerikanong sosyolohistang si C. W. Mills : na ang mga karanasan na akala nating pribado o personal lamang ay karanasang pampubliko. Ang epekto maaring idulot ng pagmimina sa Palawan at Porac ay mararanasan di lamang ng iilan kundi sa ating lahat at sa mga susunod na salinlahi. Ito ay isyung panlipunan, hindi lamang pang indibidwal. Nawa’y makita natin ang ating sarili bilang bahagi ng mas malawak na lipunan.


Sa ating pakikinig at pakikipagpalitan ng pananaw sa hapong ito, tayo ay inimbitahang suriin kung ang konsepto ng “kaunlaran” dulot ng pagmimina at ang mga mapang-akit nitong pangako ng maginhawang buhay ay dapat ng bihisan ng mas akmang kahulugan. Hamon din ng porum na ito na madala tayo sa reyalisasyon na ang ating tugon ay magpapasya sa layo ng mararating at kapalaran ng adbokasiya at pagkilos laban sa pagmimina.


Tugon ng Holy Angel University ang hamon na magbigay ng sapat na kaalaman at atensyon ukol sa ganitong napapanahong usapin ukol sa pagmimina: ang pagoorganisa ng mga porum na may layon na itaas ang antas at palawigin ang kamalayan ng mga mag-aaral sa usapin na makakaapekto sa kani-kanilang buhay at sa buhay ng kanilang kapwa.


Maraming salamat. Laus Deo Semper!


Mayap a gatpananpun pu kekayu ngan!


Date Posted: 08-16-2011